🌿 BULONG NG DAHON
✍️ Jason Ramos
Sa mundong puno ng kulang, sapat, at sobra,
tayo raw ay mga dahon —
sumisibol, lumalago, nalalanta,
kumakalas, tinatangay, nawawala.
Ngunit sa ating pagkawala,
doon raw natin tunay natatagpuan ang sarili.
Sapagkat sa bawat pagkalagas —
ay simula ng panibagong pag-ugat.
At kung ako nga ay isang dahon,
ako ’yung uri ng dahon na...
— hindi basta bumibitaw, kahit taglagas,
— sumasayaw pa rin sa hangin, kahit lumakas.
Sinasalo ang patak ng ulan,
at sa araw, nakikipagtitigan.
Ako’y lilim rin sa liwanag ng buwan,
aninong masisilungan kapag kailangan.
Ngunit marahang kumakawala,
kapag ang baha’y rumaragasa —
upang magpatangay sa agos,
habang nakalutang sa hangin.
Minsan lunod sa alon,
ngunit di salungat sa lalim.
Ako’y dahon na may sariling landas —
kahit malihis, o maligaw sa tatahakin.
Ikaw ba —
🌱 Anong klaseng dahon ka sa panahon mo?
‘Yung madaling kumawala,
o ’yung pilit na kumakapit?
‘Yung natatangay,
o ’yung naglalakbay?
Basta ako —
ako ang kapirasong dahong ligaw,
karugtong ng bawat hibla ng ugat,
tinatahi ang tagpi-tagping mga balat.
Sumisibol, lumalago, nalalanta,
kumakalas, tinatangay,
at nagtataka:
Na kung tayo'y mga dahon sa iisang puno —
maaari kayang malaman kung:
— Sino ang pasimuno?
— Sino ang nagtanim ng binhi?
— Ano ang bunga?
— Kailan at bakit kailangan anihin?
Pero...
Kailangan ba talagang
hukayin pa ang lalim ng ugat —
o mas nararapat
na magpalago na lang muna sa sanga,
bago pa tuluyang matuyo ang mga tangkay?
Baka ang tunay na saysay —
hindi lang nasusukat sa bunga o pakay,
kundi nasa halaga rin ng ating paglalakbay
at pagkabuhay.
"—𝒷𝓊𝓁𝑜𝓃𝑔 𝓃𝑔 𝒹𝒶𝒽𝑜𝓃,
𝓃𝑔 𝒹𝒶𝓂𝒹𝒶𝓂𝒾𝓃𝑔
𝒽𝒾𝓃𝒹𝒾 𝓂𝒶𝓅𝒶-𝒶𝓂𝒾𝓃,
𝓈𝒶𝓅𝒶𝑔𝓀𝒶𝓉 𝓅𝒶𝓁𝒶𝑔𝒾𝓃𝑔
𝒽𝒾𝓃𝒾𝒽𝒾𝓅𝒶𝓃 𝓃𝑔 𝒽𝒶𝓃𝑔𝒾𝓃..."
At marahil,
ang tugon sa lahat ng tanong —
ay hindi sa paghahanap,
kundi sa pananahimik,
kasama ng agos,
ang ihip,
at malumanay na huni
ng mga ibon sa paligid.
(𝘽𝙪𝙡𝙤𝙣𝙜 𝙉𝙖 𝘿𝙞𝙣𝙞𝙜—
𝙆𝙖𝙞𝙡𝙖𝙣𝙜𝙖𝙣 𝙇𝙖𝙣𝙜 𝙋𝙖𝙠𝙞𝙣𝙜𝙜𝙖𝙣 𝙈𝙪𝙡𝙞)